-- Advertisements --

Umani ng batikos mula sa mga netizens at environmental groups si dating Taguig Mayor Lino Cayetano matapos makita ang mga tarpaulin niya na may nakasulat na “LABAN LINO” na nakapaskil sa mga puno at nagkalat sa malilinis na pader sa iba’t ibang barangay ng Taguig. 

Ang paglalagay ng mga tarpaulin sa puno ay kinondena ng marami dahil sa paglabag nito sa Republic Act No. 3571, na nagbabawal sa anumang aktibidad na maaaring makasira sa mga puno sa mga pampublikong lugar. Sinumang lumabag ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon, at pagmumulta ng limang daang piso (₱500) hanggang limang libong piso (₱5,000), o parehong parusa sa pagpapasya ng korte.

Sa isang pahayag, sinabi ng zero-waste advocacy group na EcoWaste Coalition ang kanilang pagkabahala sa paggamit ng mga puno bilang lugar para sa mga tarpaulin at poster ng mga kandidato sa darating na eleksyon.

“Ang paglalagay ng mga tarpaulin at iba pang campaign material sa mga puno ay hindi lamang nakakaapekto sa kalusugan ng mga ito kundi nagpapalala rin ng problema sa basura sa ating kapaligiran. Ang ganitong uri ng pagkakalat ay isang paglabag sa mga batas na naglalayong protektahan ang kalikasan at sumisira sa kagandahan ng ating mga lansangan. Nananawagan kami sa mga kandidato at kanilang mga taga-suporta na iwasan ang ganitong gawain, pangalagaan ang mga puno, at isaalang-alang ang mga alternatibong pamamaraan ng pangangampanya na hindi nakakapinsala sa kalikasan,” saad ni Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition.

Nitong nakaraang Linggo, ibinasura ng Election Registration Board (ERB) ng Comelec-Taguig City ang kahilingan ni Lino Cayetano at ng kanyang asawang si Fille na ilipat ang kanilang voter registration mula sa Ikalawang Distrito patungo sa Unang Distrito ng Taguig-Pateros. Batay sa 24-pahinang resolusyon ng ERB, lubhang kulang ang ebidensiyang naisumite ng mag-asawa upang patunayan ang kanilang paninirahan sa Pacific Residences, Brgy. Ususan. 

Sa huli, nananatili ang rehistrasyon nina Cayetano sa Brgy. Fort Bonifacio, kung saan sila nakatira hanggang sa ngayon at kung saan din sila bumoto noong 2023 Barangay at SK elections.   

Hindi naman maiwasan ng ilang netizens na gamitin ang mensahe ni Lino Cayetano para ipagdiinan ang kawalan ng edidensya ng kanilang paglipat ng distrito.