Handa umano ang Archdiocese of Lipa sa Batangas na buksan ang kanilang mga simbahan para sa mga Taal evacuees.
Ayon kay Father Jayson Siapco, director ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission, bagama’t kanilang bubuksan ang mga simbahan para sa mga residenteng lilikas kung sakali, kailangan pa ring masunod ang mga umiiral na health protocols.
Mahigpit din aniya nila itong ipatutupad lalo pa’t hindi pa rin natatapos ang banta ng COVID-19 pandemic.
Kahapon nang itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert status ng Taal Volcano sa Alert Level 2 dahil sa dumaraming aktibidad ng bulkan.
Gayunman, inihayag ng Phivolcs na hindi pa naman nila inirerekomenda ang paglikas ng mga taong naninirahan malapit sa danger zones ng Taal.