-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Malaking tulong ang pagpapatupad ng Liquor Ban upang mapababa ang mga naitatalang vehicular accident sa Cauayan City.

Simula ng ipatupad ang GCQ bubble sa Cauayan City ay bumaba ang mga tinutugunang vehicular incident ng Rescue 922 dahil sa pagbabawal sa pag-inom at pagbebenta ng mga alak.

Kaugnay nito ay patuloy ang monitoring ng mga kasapi ng PNP Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Scarlet Topinio, Spokesperson ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na hindi tumitigil ang mga kapulisan sa pagmonitor upang matiyak na nasusunod ang mga ibinabang panuntunan lalo na ang liquor ban.

Kasunod ito ng isang insidente ng pag-iinuman na nauwi sa pananaksak at ikinasawi ng isang tao.

Aniya, binabantayan ng kapulisan ang mga bahay kalakal upang masiguro na maiwasan ang pagbenta ng nakalalasing na inumin lalo na at sumasailalim pa rin ang Lunsod sa GCQ bubble.

Samantala, pinalawig ang pagsailalim ng Calibrated Operation sa Rescue 922 dahil sa pagpositibo ng ilang kawani.

Ayon sa Rescue 922, magpapatuloy ang calibrated lockdown hanggang sa ika-siyam ng Mayo.