-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nakatakadang bawiin ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng tsuper ng sports car na nakasagasa sa mag-asawang principal at teacher habang tumatawid sa pedestrian lane sa Sen. Benigno Aquino Jr. Avenue, Iloilo City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Allan Sacramento, legal counsel at pinuno ng Operations Division ng LTO-Region 6, sinabi nito na maraming traffic violations ang Mazda MX5 driver na si June Paul Valencia, 32-anyos ng Escarilla Subdivision sa Barangay Airport, Mandurriao, Iloilo City.

Ayon sa Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, nilabag ni Valencia ang mga batas trapiko kung saan malinaw na tumatawid sa pedestrian lane ang mag-asawang Joe Marie Osano, 49-anyos na principal ng La Paz II Elementary School, at Alnie Dinah Pet-Osano, 45, officer-in-charge ng Ticud Elementary School.

Nilabag din ni Valencia ang overspeeding ordinance kung saan nararapat sana na 30kms/hr lang ang takbo ng kanyang sasakyan sa Sen. Benigno Aquino Jr. Avenue.

Napag-alaman na kahapon ang unang lamay ng mag-asawang Osano kung saan hindi pa rin matanggap ng kani-kanilang pamilya ang nangyari at sumisigaw ng hustisya na managot ang driver na negosyante na sa ngayon ay pinaniniwalaang nakalabas na ng bansa.