Nagbabala ang Joint Task Force (JTF) COVID Shield na kanilang kukumpiskahin ang lisensya ng mga driver ng public utility vehicles (PUVs) na susuway sa one-meter social distancing rule ng mga pasahero.
Pahayag ito ng task force matapos ianunsyo ng Inter-Agency Task Force na mananatili ang one-meter distance rule sa mga mananakay sa pampublikong transportasyon hangga’t wala pang pinal na desisyon sa paksa ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam, sinabi ni task force commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na maliban sa pagkumpiska sa lisensya, may kaakibat din umano itong multa at matutubos na raw nila ang kanilang lisensya sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO).
Sinabi pa ni Eleazar, may mga police marshalls na nakakalat para siguruhing masusunod ang minimum health protocols kahit na nasa terminal pa ang mga PUVs.
“So random lang kasi ginagawa natin because we cannot check all these vehicles but the point is if ever that there is violation na makikita ng law enforcers inside the vehicle and even ang sasakyan sa mga terminal, the drivers will be cited,” ani Eleazar.
Kung maaalala, sinabi ng Department of Transportation na ibababa nila sa 0.75 metro mula sa isang metro ang distansiya sa pagitan ng mga pasahero, ngunit sinuspinde muna ito dahil sa hindi pagkakasundo ng ilang mga opisyal ng gobyerno.