-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Lumutang sa imbestigasyon ng Bacolod City Police Office na bumalik umano sa pagbebenta ng iligal na droga ang pinatay na self-confessed bagman ng Berya drug group na si Ricky Serenio.

Ito ay ayon umano sa mga narekober ng mga imbestigador sa sasakyan ni Serenio na inambus sa Barangay Pahanocoy, nitong nakalipas na Sabado ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay BCPO director Col. Henry Biñas, nakuha sa kotse ang ilang notebook na naglalaman ng listahan ng mga katransaksyon nito, kabilang na ang mga dapat sisingilin at suplayan ng shabu.

Maliban dito, nakuha rin ng mga pulis ang ilang bank book na milyon ang laman.

Sa kabila nito, negatibo naman sa monitoring ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 6 ang pangalan ni Serenio.

Ayon kay PDEA Region 6 Director Alex Tablate, lumabas noon ang pangalan ng drug personality ngunit hindi na ito namo-monitor ngayon bilang drug pusher o supplier.

Hindi rin nito isinasantabi na maaaring away sa iligal na droga ang motibo sa pagpaslang kay Serenio dahil may mga pagkakataon na mismo ang mga tulak ng shabu ang pumapatay sa nanglilinlang sa transaksyon.