Kinalampag ni Health Sec. Francisco Duque III ang PhilHealth na isapubliko ang pangalan ng mga health care providers na nahaharap sa imbestigasyon dahil sa panlilinlang.
Sa isang panayam, sinabi ni Duque na kanya nang inatasan ang PhilHealth na alamin ang mga posibleng legal implications ng naturang hakbang.
Ayon sa kalihim, bagamat wala pa silang desisyon ukol sa usapin na ito, maari pa rin naman daw ilabas ng PhilHealth ang pangalan ng mga dawit na health care providers dahil maituturing daw ito bilang isang “factual narrative.”
Sa gitna ng mga ulat hinggil sa umano’y iregularidad na kinasasangkutan ng mga bogus kidney treatments na sinasabing binayaran ng PhilHealth, sinabi ng state insurance company noong nakaraang linggo na iniimbestigahan na nila ang mahigit 8,000 kaso ng fraudulent acts, kabilang na rito ang 78 hospitals at nasa 18 doktor.
Sinabi ni Duque na targt ng Department of Health (DOH) na gayahin ang Bureau of Internal Revenue, na isinasapubliko ang mga kompanyang nahaharap sa tax cases sa Department of Justice.