-- Advertisements --

VIGAN CITY – Wala na umanong listahan ng mga pasaway na kandidato na ilalabas ang Commission on Elections (Comelec), maging ng kung sino ang mga kandidatong pinadalhan nila ng notice of violation.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa Oplan Baklas na kanilang isinasagawa sa mga nagkalat na illegal campaign posters at billboards sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na hindi na nila papangalanan o ilalathala ang pangalan ng mga non-compliant na kandidato nang sa gayon ay hindi masayang ang case build-up na isinasagawa laban sa mga ito.

Ang nangyayari umano, kapag nalaman ng mga kandidato na isa sila sa mga nailista ng Comelec na non-compliant ay bigla na lamang tinatanggal ang mga nagkalat na mga illegal campaign posters kung kaya’t hindi na naidokumento ang mga ito, kaya wala nang ebidensiya laban sa kanila.

Ayon kay Jimenez, ang isasapubliko na lamang umano nila ay ang listahan ng mga kandidatong sinampahan na nila ng kaso dahil sa hindi nila pagsunod sa direktiba ng poll body na tanggalin ang mga illegal campaign posters nila.

Maliban pa dito, mayroon na umano silang guidelines na ipinalabas bilang gabay sa mga magbabaklas ng mga illegal campaign posters.

Aniya, ang kanilang direktiba umano ay kinakailangang maipaalam sa Comelec office ang gagawing pagbabaklas nang sa gayon ay maidokumento ang mga ito at magamit sa case build-up laban sa mga pasaway na kandidato.