-- Advertisements --

Inihahanda na umano ng Joint Task Force Covid Shield ang listahan ng mga authorized persons outside residence (APOR) para sa mga lugar na inilagay na sa general comminity quarantine (GCQ), maging sa mga areas na nananatiling naka-enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon kay Covid Shield Commander at PNP Deputy Chief For Operation Lt. Gen. Guillermo Eleazar, malaking tulong ang naturang listahan para sa mas epektibong pagpapatupad ng patakaran ng mga law enforcers.

Batay aniya sa umiiral na guidelines sa ECQ, kabilang lamang sa mga taong pinapayagan makalabas ng tahanan ang mga empleyado at nagmamay-ari ng mga establisyimentong exempted.

Maliban dito, iisang miyembro lamang ng pamilya ang pinapayagang makalabas ng bahay para bumili ng mga itinuturing na essential goods tulad ng pagkain at gamit.

“Ang ECQ ang allowed ay 1 person per household ang maaaring lumabas para bumili ng essential goods pero sa GCQ, mas maluwag preferably from 21-59 ang edad,” wika ni Eleazar.

“Kung sa ECQ may mga APOR tayo, mas marami sa GCQ,” dagdag nito.

Samantala, sinabi ni Eleazar na posibleng mas maraming matutukoy na APOR sa mga lugar na isinailalim na sa GCQ o pinaluwag na pagpapatupad ng lockdown.