-- Advertisements --

Inatasan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang mga Chiefs of Police (COP) sa buong bansa na i-update ang kanilang listahan ng Priority Drug targets.

Ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Duterte na palakasin ang kampanya kontra iligal na droga kasunod ng pagkakasabat ng kabuuang 809 na kilos ng shabu sa apat na magkakasunod na operasyon sa Zambales, Bataan at Cavite noong nakaraang linggo.

“Batay na rin sa kautusan ng ating Pangulong Duterte through our SILG Eduardo Año, inatasan ko na ang lahat ng chief of police na i-update ang kani-kanilang priority targets lalo na ang mga nagbebenta ng iligal na droga sa kani-kanilang lugar,” pahayag ni Gen Eleazar.

Ayon kay Eleazar ang pagkakasabat ng malaking halaga ng iligal na droga na nasa mahigit P5.5 bilyong piso, ang pinakamalaking drug bust sa taong ito.

Patunay aniya ito na aktibo parin ang mga sindikato ng droga sa kabila ng pandemya at may suporta ang mga ito mula sa mga pusher sa komunidad.

Siniguro ni Eleazar na tutugisin ng PNP ang kanilang mga ka-baro na sangkot sa ilegal na droga.

“Hindi nagpahinga ang mga sindikato ng droga kahit sa panahon ng pandemya kaya hinihikayat ko din ang ating mga stakeholders at community partners na tulungan kami sa laban na ito,” dagdag pa ni Gen Eleazar.