BACOLOD CITY – Mahigpit na nag-iingat ang mga taga-Lithuania kasama na ang mga Pinoy upang malayo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) dahil maliban sa nakakamatay ito ay pagmumultahin pa ang mga magkakasakit kaugnay sa nasabing virus.
Sa ulat ni Bombo international correspondent Matet Markevicius, Filipino migrant sa Lithuania, kakaibang paraan aniya ng Lithuanian government na pagmumultahin ang mga magpopositibo o magkakaroon ng sintomas ng COVID-19.
Ito ay upang mas lalong mag-ingat ang lahat at sumunod sa batas na ipinapatupad upang mapigilan ang pagkalat pa ng COVID pandemic.
Parehong takot ngayon ang lahat sa virus at sa multang 6 thousand Euro o P327,725 lalo na sa mga nawalan ng trabaho o walang pera.
Dagdag pa ni Markevicius, marami ring Pinoy frontliners ang patuloy na nagtatrabaho ngayon kagaya ng truck drivers at mga nurses.
Wala pa namang naiuulat na Pinoy na nagpositibo sa virus at pinagdadasal nila na maligtas silang lahat doon.
Sa ngayon ay umabot na sa 1,398 ang total cases at 38 naman ang naitalang namatay sa Lithuania.