CENTRAL MINDANAO-Ipagbabawal muli ang pagkakaroon ng Live Entertainment tulad ng mga banda sa mga establisyemento sa Midsayap, Cotabato.
Ito ay batay sa inilabas na Executive Order No. 3 s. 2022 ng LGU-Midsayap nakasaad ang pagsasailalim ng bayan sa COVID-19 Alert Level 3 Status na magtatagal ng hanggang January 31, 2022.
Nabatid na kabilang ang probinsya ng Cotabato sa mga lugar na isasailalim sa COVID-19 Alert Level 3 Status ng National Inter-Agency Task Force (IATF).
Kabilang din sa mga ipagbabawal ay ang operasyon ng mga casinos, horse racing at sabungan (maliban na lang kung ito ay aprubado ng IATF o ng Office of the President); peryahan at kid amusement industries; at contact sports gaya ng basketball at volleyball.
Samantala, maaari pa ding magbenta at bumili ng mga alcoholic beverages o mga nakakalasing na inumin maliban sa mga public places tulad ng mga sidewalks o sa labas ng mga establisyemento.
Mananatili ang curfew hours mula alas-12 ng madaling araw hanggang alas-4 ng umaga habang magsisimula naman ng alas-10 ng gabi para sa mga menor de edad o 18 anyos pababa.
Ang sinumang lalabag sa nasabing EO ay mahaharap sa karampatang parusa.
Muling isinailalim ang buong North Cotabato sa COVID-19 Alert Level 3 Status matapos ang pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan at dahil na din sa banta ng Omicron Variant.