-- Advertisements --

Inaresto ng pinagsanib ng pwersa ng mga tauhan ng Paranaque City Police Station, Directorate for Intelligence (DI) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang live in partner ni Ricardo “Ardot” Parojinog, na unang naaresto sa Taiwan.

Kinilala ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde ang suspek na si Mena Luansing, na dinakip sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng RTC branch 15 ng Ozamiz City dahil sa illegal possesion of firearms and explosives.

Si Luansing ay na-corner nitong weekend sa kaniyang tahanan sa Belisario compound, San Isidro Paranaque kasama ang isang Jonas Galamitan Cablitas, na umanoy nagkakanlong sa suspek.

Ayon kay Albayalde, si Luansing ay dati ring provincial board member ng Misamis Occidental tulad ni Ardot, ngunit nag-resign sa pwesto.

Ang babaeng suspek ay nahaharap din sa kaparehong mga kaso ni Parojinog sa korte sa Ozamiz at kasalukuyang arestado sa Taiwan at nahaharap sa kaso ng illegal entry.

Magugunitang nagtago ng 10 buwan si Ardot matapos ang raid sa compound ng mga Parojinog sa Ozamiz kung saan napatay matapos umanong manlaban ang kapatid nito na si Ozamiz Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr., na kabilang sa mga politikong nasa narco-list ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame si Ozamiz City Vice Mayor Nova Parojinog habang sa Quezon City Jail naman ang kapatid nitong si Reynaldo jr.