Tulong sa kanilang pangkabuhayan ang hiling ng mga pamilya ng mga drug suspeks na napatay at nakulong dahil sa pinalakas na kampanya laban sa iligal na droga ng PNP.
Ito ang inihayag ni PNP chief PDGen. Ronald Dela Rosa, nang magkaroon ng pagkakataon na makausap ang mga pamilya ng mga drug suspeks sa isinagawang gift-giving kahapon.
“Tulong. Yung iba nakausap ni general eleazar, livelihood. nakipagcoordinate na tayo sa LGU at sa Malacanang mismo para matulungan, mabigyan ng tulong,” pahayag ni PNP chief.
Nasa kabuuang 120 na mga bata na anak ng mga nasawing drug suspeks habang ang iba ay nakakulong.
Sinabi ni Dela Rosa na ang kanilang ginawa ay para kahit papaano ay maibsan ang kalungkutan ng mga bata na namatayan ng ama habang ang iba ay nakakulong.
“Since most of these children ay namamatayan ng parents, ng father dahil sa ating ongoing war on drugs we want to compensate this loss, their sadness with somehow little feeling of happiness na makita man lang nila na ito’y Pasko,” wika ni PNP chief Dela Rosa.
Binigyang-diin ni PNP chief na hindi dapat na ang mga bata ay magsakripisyo sa kasalanan ng kanilang mga magulang.
Hiling naman ni PNP chief sa mga pamilya na umpisahan na ang healing process at mag move on.
Aniya, hindi ginagawa ng PNP ang war on drugs dahil gusto lang ng pulisya kundi inilunsad nila ito para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga kabataan.
Binigyang-linaw din ni PNP chief na walang kinalaman sa lumabas na report mula sa isang international news agency ang pagbibigay ng gift-giving sa mga pamilya at anak ng mga drug suspeks.
” Hindi,matagal na. With or without that reuters report matagal na ito nakplano itong gift-giving na ito,” pahayag ni Dela Rosa.