-- Advertisements --
image 471

Naapektuhan ng oil spill sa lalawigan ng Oriental Mindoro ang kabuhayan ng humigit-kumulang 19,000 mangingisda, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ang mga naapektuhang mangingisda ay nilalayon ng pamahalaan na tulungan sa pamamagitan ng skills and livelihood training.

Hindi na kasi pinapayagan ang mga mangingisa na pumalaot dahil delikado na ang kumakalat na oil spill sa lugar.

Dagdag dito, karamihan na rin sa mga isda at iba pang lamang dagat ay namatay dahil na rin sa epekto ng tumagas na langis.

Kung matatandaan, ang motor tanker na Princess Empress ay may dalang 800,000 litro ng industrial fuel oil nang lumubog ito noong Pebrero 28.

May 19,000 na mga mangingisda sa 9 na munisipalidad sa Oriental Mindoro at bayan ng Caluya sa Antique apektado ng oil spill.

Ayon kay BFAR chief information officer Nazario Briguera, ang bureau ay may inilaan na P4.2 million na halaga upang tulungan ang mga mangingisda na humanap muna ng kanilang alternatibong mapagkakakitaan.