CENTRAL MINDANAO-Matagumpay na inilunsad kamakailan ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ng BARMM ang livelihood component ng Bangsamoro Integrated Rehabilitation and Development (BIRD) program phase 1 sa 12 na mga barangay sa Pigcawayan Cluster, Special Geographic Area (SGA) ng rehiyon.
Kabilang sa livelihood component ang pagsasaayos ng koneksyon ng kuryente sa mga barangay, at ang pamamahagi ng farm equipment, implements, motorized bancas, at fishing gears sa alyansa ng mga barangay.
Sinabi ni MILG minister Naguib Sinarimbo na layunin ng programang BIRD na mas mapahusay pa ang pamamahala sa pamamagitan ng pagsasagawa ng corporate powers nito na magpapanatili sa mga proyektong pangkabuhayan sa 63 na mga barangay sa probinsya.
Dagdag pa rito, lumagda rin sa isang kasunduan ang MILG kasama ang Ministry of Agriculture, Fishery and Agrarian Reform, at ang Ministry of Trade, Investment and Tourism na naglalayong makatulong na maiangat ang kalagayan ng pamumuhay ng mga residente sa lugar.
Samantala, ang BIRD program ay pinondohan sa ilalim ng Special Development Fund ng BARMM na naglalayong gawing produktibo at mapayapang komunidad ang 63 na mga barangay sa SGA.