CAUAYAN CITY- Pinagtutuunang pansin ngayon ng Isabela School of Arts and Trade- Technical Education Skills and Development Authority (ISAT-TESDA) ang mga livelihood trainings na ipinagkakaloob sa mga liblib na lugar at ang programang E-CLIP and Amnesty Program sa mga dating rebelde.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Vocational Schools Supt. Edwin Madarang ng ISAT-TESDA na kanilang pinagtutuunang pansin ngayon ang mga mamamayan sa liblib na lugar sa pamamagitan ng mga isinasagawang livelihood trainings gayundin ang pagtulong sa mga dating rebelde .
Pangunahin nilang pinagsagawaan ng livelihood training ang mga liblib na lugar sa bayan ng San Mariano at Ilagan City.
Ilang barangay ng San Mariano ang kanilang pinagkalooban ng livelihood trainings pangunahin na ang barangay ng Macayu-cayo, Ueg, Daragutan East, Daragutan West, Balagan West, Libertad, Sitio Dinuman, Sitio Sinamnama Del Pilar, Dibuluan, Cadsalan, Tappa, Dicamay, Marannao, Minanga at Disulap.
Sinabi ni Vocational Schools Supt. Madarang na nakita nila sa mga nabanggit na lugar na nasisira ang mga produkto ng mga magsasaka na saging at cassava kayat isinagawa ang pagsasanay ng Banana at Cassava Processing.
Habang sa barangay Disulap ay ang meat processing.
Samantala, sa Lunsod ng Ilagan ay nagsagawa ng organic Agriculture and Production sa Barangay Pasa, Barangay Santa Victoria, Rang-ayan at Sitio Laguis .
Habang Banana and Cassava Processing ang isinagawa sa Barangay Cabisera 5.
Samantala, inihayag pa ni Vocational Schools Supt. Madarang ng ISAT-TESDA na maging ang mga dating rebelde na nakatira sa Happy Farm Ville ng 5th Infantry Division Phil. Army ay tinuruan nila kung paano mag-karpintero, masonry, electrical installation and maintenance (NC2 ).
Bukod dito ay tinuruan din nila ng paggawa ng organic Agriculture and Production (NC2).