Lumakas at ganap nang tropical storm ang bagyong Liwayway habang binabaybay nito ang karagatan sa silangan ng Pilipinas.
Ayon sa Pagasa, magdadala ng kalat-kalat na mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan sa Bicol Region, Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, at Batanes.
Makararanas din ng mga pag-ulan sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Palawan at Western Visayas dulot ng epekto ng hanging habagat.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 340 km silangan hilagang-silangan ng Daet, Camarines Norte o 455 km silangan ng Baler, Aurora.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kph malapit sa gitna at pagbugsong nasa 80 kph.
Kumikilos ang bagyo pa-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph.
Hindi pa rin inaasahang tatama sa kalupaan ng bansa ang naturang bagyo at posibleng lumabas sa Philippine Area of Responsibility sa araw ng Huwebes.