-- Advertisements --

Matapos iatras ang pagpondo ng Chinese government sa tatlong malalaking railway projects ng Pilipinas, inaasahang maisasapinal sa unang quarter ng taong 2023 ang muling pagsisimula ng loan negotiations para sa naturang mga proyekto.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, nakahanda ang DOTr na simulan ang PNR South Long Haul Project, Subic-Clark Railway, at Mindanao Railway matapos na sumang-ayon ang China na simulan muli ang negosasyon.

Tinatrabaho na aniya ngayon ang technical aspect ng proyekto at ang pagkuha ng mga kontraktor at pagsasapinal ng kontrata.

Maalala na nagpaso ang availability ng loans noong Hunyo matapos na hindi aksyunan ng gobyerno ng China ang request ng adminitrasyon noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa loan financing ng mga nasabing proyekto.

Nasa 85% ng proyekto para sa pagkokonekta ng Banlic sa Calamba patungong Daraga sa Albay ay inaasahang mapondohan sa pamamagitan ng loan mula sa Chinese government.

Ang P83-billion Tagum-Davao-Digos segment ng Mindanao Railway Project naman ay hindi naituloy matapos na hindi makapagsumite ng shortlist ng contractors para sa design-and-build contract.

Habang ang konstruksiyon naman ng P51-billion Subic-Clark Railway Project ay iginawad sa China Harbour Engineering Co. noong December 2020 na may loan applications na isinumite ng Finance Department sa China Eximbank subalit hindi ito inaksyunan.