Patuloy pa rin ang paglipad ng mga local airlines kahit na kulang ang kanilang kikitain ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ito ay kahit na karamihang mga airline companies ang nagbawas ng mga empleyado dahil sa ipinatupad na travel restrictions sa mga bansa.
Base rin sa talaan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na lubos na bumaba ang average na bilang ng mga flights at pasahero.
Kung ikukumpara noong 2019 mayroong mahigit 5,600 na international flights ang naitala mula Enero hanggang Abril at pagdating ng 2020 ay mayroon lamang 3,599 habang ngayong 2021 sa parehas din na buwan ay mayroong 1,637.
Sa bilang naman ng pasahero ay mayroong 993,856 mula Enero hanggang Abril 2019 na bumaba ito ng 555,056 sa parehas na buwan noong 2020 at mas bumaba pa ito ng 118,576 noong 2021.
Aminado pa rin si Atty. Carmelo Arcilla, ang Executive Director ng Civil Aeronautic Boards na magpapatuloy pa ring magiging mababa ang bilang ng mga international flights hanggang hindi pa tuluyang mawala ang COVID-19 sa bansa.