Itinanghal na kampyeon ang local baker mula Poblacion, Sabangan, Mountain Province na si Phoebe Gut-omen sa World Chelsea Bun Awards Bake-Off Competition 2023 sa Chelsea, London.
Sumali ito sa non-tasting category kung saan nasa mahigit 500 na bakers mula sa iba’t-ibang bansa ang nakilahok sa prestihiyosong kompetisyon na hinusgahan ni Her Royal Highness Princess Michael of Kent at ng aktres at patron na si Lady Jane Asher.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Phoebe, ibinahagi nito ang kwento sa kanyang likhang Brioche Chelsea Buns at maging sa kaniyang pagiging home baker.
“Siyempre nakakaproud, at least, kahit hindi ako nakapunta sa London, yung gawa ko medyo nakilala na rin. Hindi na ako umasa talaga. At least, I’ve joined, okay na sakin yun. Nagsimula akong home baker before. I’ve had formal trainings and workshops.”
Nagbigay mensahe rin ito sa mga katulad niyang local at home bakers.
“Sa mga nagsisimula diyan, marami talagang struggles yan. Not necessarily perfect lahat yan, pero the more you bake, the more you experience, the more you can perfect your bake goods.”
Ang World Chelsea Bun Awards Bake-off Competition nga ay inilunsad ng Patridges, isang independent family-run food store na nabigyan ng Royal Warrant bilang Grocer, para buhayin ang paggawa ng Chelsea Buns at makatulong na makalikom ng pondo sa mga local charity sa London.