-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ni 1/Lt. Jonald Romorosa, Civil Military Operation officer ng 36th Infantry Battalion, Philippine Army, na hindi pa na-contact ng binuong Local Crisis Management Committee ang tatlo sa pitong kataong dinukot ng New People’s Army (NPA) sa may Sitio Ibuan, Barangay Mampi, Lanuza, Surigao del Sur.

Nakilala ang mga bihag na sina Ryard Badiang, 24-anyos; Wendil Delicuna, 25; at Angelo Duazo, 34.

Pinakawalan naman kinahapunan sina Moni Bulando, 20–anyos; Rodelo Montenegro, 40, at ang dalawang batang walong taong gulang at 12-anyos, pawang residente ng nasabing lugar.

Kinumpirma rin ng opisyal na nadagdagan ang dinukot ng rebeldeng grupo matapos nilang huling nakuha si Jeffrey Delicuna sa parehong araw din sa Tandag City.

Sa ngayon, wala pang ibinigay na statement ang teroristang NPA sa dahilan ng kanilang pagdukot ngunit malaki ang paniniwala ng militar na ito’y bilang ganti ng apat nilang kasamahang napatay sa bakbakan sa Carmen, Surigao del Sur.

Nagpapatuloy pa ng kanilang combat operation at naghahanap na rin ng third party upang syiang makikipag-negotiate para sa pagpapalaya sa mga bihag.