VIGAN CITY – Pinagpapaliwanag ng League of Municipalities ang Cabinet secretaries ng Duterte administration kaugnay sa social amelioration program (SAP) ng pamahalaan sa kalagitnaan ng enhanced community quarantine sa Luzon dahil sa COVID- 19 pandemic.
Sa liham na ipinadala ni LMP national President at Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson, hiniling nito kay National Task Force chairperson Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Incident chief implementer Secretary Carlito Galvez, IATF chairperson Health Secretary Francisco Duque III at IATF spokesman Cabinet Secretary Karlo Nograles na magsagawa ng televised press conference upang ipaliwanag ang mga guidelines na sinusunod ng Department of Social Welfare and Development hinggil sa SAP.
Nagkakaroon kasi aniya ng kalituhan sa kapwa niya opisyal ang tungkol sa SAP dahil ang guidelines na itinakda ng national government ay magkaiba naman umano sa ipinatutupad sa LGU level.
Inaakusahan na rin umano ang mga kagaya nitong LGU officials at mga barangay officials na pinipili nila ang mga benepisyaryo ng nasabing programa.
Kaya mainam na maipaliwanag aniya ng husto ang usapin na ito.