CEBU PROVINCE – Nangako ang pamahalaan ng lalawigan ng Cebu na magbibigay ng cash assistance sa mga may-ari ng baboy sa Carcar City na kinuha ang mga hayop bilang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na African Swine Fever (ASF).
Inihayag ni Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia na magbibigay ang Kapitolyo ng P5,000 sa bawat baboy na kukunin.
Ito ang ibinunyag ng gobernador matapos magdesisyon na itigil na ang culling activities sa lungsod ng Carcar dahil sa pag-aalalang maapektuhan nito ang kabuhayan lalo na ng mga maliliit na nag-aalaga ng baboy.
Batay sa bagong datos, nasa kabuuang 141 baboy sa nabanggit na lungsod ang na-cull simula nang matukoy ang unang kaso ng ASF noong Marso 1.
Matatandaang ipinag-utos kamakailan ni Gobernador Garcia ang pagsuspinde sa ‘culling’ ng mga baboy sa lungsod ng Carcar.
Maliban dito, ipinag-utos din nito ang regular na pagdidisimpekta sa mga hog farm, at ang pagbabakuna sa mga buhay na baboy laban sa kolera at iba pang sakit.