-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pagpapadala ng “red flag” sa isang local official mula sa Albay dahil sa pagbabanta sa isang media man.

Ang red flag warning ay pagbibigay-paalala sa isang indibidwal na naghayag ng pagbabanta na ito ang magkakamit ng sisi sakaling may mangyaring masama sa mamamahayag.

Sinabi ni PTFoMS Executive Director Usec. Joel Sy-Egco sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nag-ugat aniya ang insidente sa post ng isang taga-radyo sa Albay na hindi nagustuhan ng lokal na opisyal.

Bunsod nito, nagbanta umano ang opisyal na may kalalagyan ang naturang mamamahayag kung hindi titigil.

Babala pa ni Egco na walang karapatan ang sinuman na magsiga-siga sa kasalukuyan lalo na’t hahabulin at sasampahan ng karampatang kaso ang mga ito.

Inihalimbawa pa ni Egco ang matagumpay na resulta ng Maguindanao massacre na kahit medyo matagal aniya ang gulong ng kaso, nabigyan pa rin ng hatol ang karamihan sa “mastermind”.

Samantala, tumanggi na rin si Egco na banggitin ang pangalan ng mediaman at ang lokal na opisyal na sangkot maging ang bayan na nasasakupan nito.