-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinanangangambahan ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na sa mga susunod na buwan ay kukulangin ang lokal na produksyon ng karne ng baboy dahil pa rin sa African swine fever (ASF) virus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni SINAG chairman Engr. Rosendo So na ang kulang na local production ng mga magbababoy ay dahil sa maraming naapektuhan ng ASF sa bansa.

Ito’y lalo na sa bahagi ng Luzon kung saan nanggagaling ang karamihang local supply ng karne ng baboy.

Kaugnay nito, hinimok ni So ang mga pasaway na nagpupuslit ng mga baboy at karne o frozen meat products na maaaring panggalingan ng virus na tumigil na sa kanilang ginagawa upang hindi na lumala pa ang problema ng Pilipinas kaugnay sa ASF.

Una nang inamin ng SINAG na mahihirapan talagang makontrol ang paglaganap nito dahil sa kawalan ng bakunang gagamitin.

Nauna rito, kinilala nito ang mabilis na pag-aksyon ng mga local government units upang maibsan ang malaking epekto ng ASF sa kani-kanilang mga lugar kagaya na lamang ng pagpapaigting ng mga quarantine checkpoints at pagdedeklara ng state of calamity sa kanilang mga nasasakupan.