CENTRAL MINDANAO – Bumuhos ang mga residente sa inilunsad na Local Serbisyo Caravan na bahagi ng Executive Order (EO) ni Pangulong Rodrigo Duterte na unang ginanap sa Barangay Balite, Magpet, North Cotabato.
Ito ay pinangunahan ng Department on Interior and Local Government (DILG) katuwang ang Provincial Task Force at ibang ahensya ng gobyerno.
Dinala ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan at tinugunan ang pangangailangan at hinaing ng mamamayan sa Barangay Balite na una nang tinukoy ng Community Support program ng 72nd Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Rey Alvarado.
Matatandaan na unang binuo ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pangunguna ni acting Governor Emmylou ”Lala” Taliño-Mendoza.
Batay sa Executive Order 70 na nilagdaan ni Pangulong Duterte, ini-institutionalize ang “whole nation approach policy” para magkaroon ng kapayapaan at tapusin na ang bakbakan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at New People’s Army.
Ayon sa EO, uunahin at aayusin ang pagbibigay ng basic services at social development packages sa mga conflict areas at vulnerable communities sa bansa.
Sinabi ni Gov Mendoza, kabilang sa mga isyu na dapat matugunan ay ang matagal ng problema sa mga pinag-aagawang lupa,karahasan na dulot ng rebelyon at ang lumalalang presyo ng mga produkto ng mga magsasaka.
Hiniling ni Mendoza sa mga residente ng Brgy Balite na makiisa at suportahan ang mga proyekto ng gobyerno.
Dagdag ng gobernadora na hindi nagbubunga ng maganda ang pagsuporta sa maling idolohiya o pinaglalaban ng mga NPA dahil nagbubunga lamang ito nang karahasan sa komunidad.
Payo ni Mendoza sa mga estudyante ng Brgy Balite na mag-aral ng mabuti ng makamit ang pangarap nito at wag maniwala sa maling pinaglalaban ng mga NPA na magdudulot lamang nang pagkalugmok sa kanilang buhay.
Kasabay rin sa Local Serbisyo Caravan ang pagpresenta sa sumukong NPA na si Harold Ajiaton ng Guerilla Front Committee 53 na tumanggap ng tulong ng gobyerno sa pamamagitan ng Enhanced – Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Nakatakda namang ilunsad ang Local Serbisyo Caravan sa Brgy Basak Magpet sa Oktubre 17 at Oktubre 18 naman sa Brgy Kabalantian, Arakan, North Cotabato.