-- Advertisements --

Todo pasalamat si dating AFP chief of staff at ret. Gen. Jose Faustino kay President-elect Ferdinand Marcos Jr. na siya ang itinalaga na susunod na mamuno sa Department of National Defense (DNP) para palitan si outgoing Secretary Delfin Lorenzana.

“Ako’y lubos na nagpapasalamat sa ating President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr for my appointment as senior undersecretary and OIC of DND. Isang malaking karangalan ito sa aking pamilya at ‘yong ibinigay na trust and confidence sa aking kapabilidad na pamunuan ang Defense department,” ani Faustino.

FAUSTINO DND BBM VIC

Magsisilbing OIC muna si Faustino dahil ang one year ban sa kanya bilang bago lamang nagretirong opisyal ng AFP ay hanggang buwan pa ng Nobyembre.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Faustino na ang magiging prayoridad niya ay kung ano ang hangad na magiging polisiya ng commander-in-chief na ibabatay naman at ipagpapatuloy ang magagandang programa ng kanyang papalitan.

Naniniwala rin ang susunod na Defense chief na pangunahin pa ring security threat sa bansa ay ang local terrorist groups at communist terrorist group at ang isyu sa agawan ng teritoryo.

Aminado rin ito sa mga hamon ngayon ng AFP tulad sa pagharap sa epekto ng climate change, cyber-security at ang mga traditional na problema sa droga at criminal groups.

Nilinaw naman ni Faustino, na tubong Itogon, Benguet at lumaki sa lalawigan ng Bulacan, na hindi naman sila talaga magkakilala ni incoming President Marcos at bago lamang daw sila nagkakilala matapos na siya ay nagretiro noong buwan ng Nobyembre ng nakalipas na taon.