-- Advertisements --

VIGAN CITY – Magsasagawa ang provincial government of Ilocos Sur ng swab testing sa mga vunelrable sector matapos ang magkasunod na pagkakatala ng kaso ng COVID- 19 sa lalawigan.

Sa ipinatawag ni Ilocos Sur governor Ryan Singson na press briefing, binigyang-diin nito na sa pamamagitan ng swab test o reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) ay malalaman kung mayroon nang local transmission sa lalawigan matapos ang dalawang magkasunod na kaso ng nasabing sakit na kapuwa frontliner at vulnerable sa nasabing virus.

Nitong July 11 lamang nang maitala ang ika-limang COVID patient sa Ilocos Sur na isang security guard sa isang ahensya sa Bantay, Ilocos Sur at nitong July 12 naman ay naitala ang ika-anim na kaso ng COVID- 19 na isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na mayroong travel history sa National Capital Region.

Aniya, kasama sa mga dadaan sa mandatory swab test ang mga frontliners tulad na lamang ng mga pulis at iba pang miyembro ng vulnerable sector kagaya ng mga guwardiya at iba pa.

Hinihikayat naman ang gobernador ang mga national agencies at may-ari ng mga private establishments sa lalawigan na isailalim na rin sa random test ang kanilang mga empleyado.

Katuwang ng provincial government of Ilocos Sur sa nasabing hakbang laban sa COVID-19 ang provincial government of Ilocos Norte kung saan isasagawa ang proseso ng pag-aaral sa mga specimen na idadaan sa swab testing.