-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inihayag ng OCTA Research na nagkakaroon na ng local transmission ng Omicron Variant dahil umabot ang reproduction number sa Metro Manila ng 4.78 na nangangahulugan na sa isang tao ay lima ang nahahawaan .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni OCTA research Fellow Dr. Guido David na napakabilis ng pagtaas ng tinamaan ng COVID-19 sa loob ng isang linggo.

Sinabi ni Dr. David na umabot na sa 28.7% ang daily positivity rate at ang reproduction number sa Metro Manila ay nasa 4.78.

Sa ngayon ay wala pang nakikitang pagtaas sa iba pang mga lalawigan sa bansa maliban sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna at Bulacan .

Maaring sanhi ng pagtaas ng COVID-19 ang nakalipas na holiday activities tulad ng mga social gathering, party, epekto ng Omicron variant at hindi nasusunod na social distancing.

Ayon pa kay Professor David, maaaring magtala ng mahigit 10,000 sa loob ng isang araw sa mga susunod na araw.

Binabantayan nila ngayon ang mga ospital bagamat mababa pa lamang ang hospital occupancy sa Metro Manila na may 24% at ICU occupancy na 27%.

Pinaalalahanan pa ni Dr. David ang mga mamamayan na maging maingat at kailangang magpabakuna na ang mga hindi pa nagpapabakuna at sa mga natapos na sa ikalawang dose ay magpaturok na ng booster shot.

Dapat ding mahigpit na bantayan ang mga border control upang maiwasan ang pagpasok ng Omicron variant sa mga lalawigan.

Umaasa sila na ngayong nakasailalim sa alert level 3 ang Metro Manila at tapos na ang holiday season ay bumaba muli ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.