-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hindi umano nakikita sa ngayon ang mahigpit o istriktong pagpapatupad sa strictest state lockdown na idineklara ni California Governor Gavin Newsom bilang hakbang para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa nasabing estado ng Amerika.

Maaalalang nito lamang Huwebes ay ang California ang kauna-unahang estado ng Amerika na nagdeklara ng lockdown para makaiwas sa posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 doon.

Sa report ni Bombo international correspondent Jun Villanueva mula Los Angeles, California, napag-alamang hindi pa istrikto ang pagpapatupad sa nasabing lockdown bagaman ibinabalita aniya ng mga media doon na mahigpit ang implementasyon ng lockdown sa California.

Pareho lamang aniya ang mga guidelines at protocol sa Enhanced Community Quarantine dito sa Luzon at sa idineklarang lockdown sa California ngunit magkaiba ang pagsunod ng mga tao.

Ibinahagi niyang sa California ay wala pa silang nakikitang quarantine checkpoints, walang social distancing, pwede pang lumabas ang mga tao kahit wala silang mahalagang gagawin sa labas at mangilan-ngilan aniya ang gumagamit ng face masks.

Dinagdag ni Villanueva na may aabot sa 500 na nakahandang ground personnel para sa humanitarian food distribution kung kakailanganin ang mga ito.

Ayon pa sa kanya, posibleng lalo pang tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa California kung hindi mahigpit ang pagpapatupad ng mga guidelines sa idineklarang lockdown doon.

Batay sa huling datos, aabot na sa 23 ang patay sa California dahil sa COVID-19 habang 6 ang mga nakarekober at 1,150 ang mga positibong kaso.