Masyado pa umanong maaga para magdeklara ng lockdown sa Metro Manila dahil sa COVID-19.
Sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na inoobserbahan pa nila ang sitwasyon at hinihintay kung magkakaroon ng tinatawag na sustained community transmission ng COVID-19.
Ayon kay Sec. Duque, ito ang maaaring mag-trigger ng community lockdown o community quarantine.
Inihayag ni Sec. Duque na nasa opsyon din ng pamahalaan kung magpapatupad ng sistematikong pagsususpinde ng klase sa mga eskwelahan maging ang suspensyon ng trabaho sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.
Maaari rin umanong gamitin ng pamahalaan ang militar at pulisya para tulungan ang local government units (LGUs) na apektado ng COVID-19 sa pagpapatupad ng mga hakbang para ma-contain ang virus at hindi na ito kumalat pa sa ibang katabing LGUs o ibang lugar.
Sa Kamara, inirekominda ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda sa pamahalaan na magpatupad ng lockdown sa National Capital Region (NCR) matapos makumpirma ang local transmission ng COVID-19 sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Salceda, inirekominda nitong ipatupad ang lockdown sa lahat ng entry at exit points sa NCR, kabilang na ang mga paliparan sa loob ng isang linggo.
Mabuti aniyang ipatupad ito ngayon pa lamang kahit pa tinatayang bababa ng 8 percent ang gross domestic product (GDP) ng bansa o katumbas ng P100 billion kaysa naman umabot pa ng 1.5 percent o P218 billion kapag hindi magpatupad ng lockdown.
Pero exempted sa temporary entry ban sa Metro Manila ay mga pagkain, gamot at mga health profession.
Bukod dito, inirekominda rin ni Salceda na suspendihin ang klase ng mga mag-aaral sa NCR lahat ng lebel sa loob ng isang linggo.
“Ang pinapawagan natin na unang-una na dapat tapos na rin naman ang school year ay wala na rin munang classes kasi pinakamarami pong congregated na posible pong carrier ng mass transmission ay ito pong mga eskwelahan,” dagdag pa ni Salceda.
Maging ang mga pasok sa mga opisina ay iminungkahi rin niyang suspendihin muna sa loob ng isang linggo maliban na lamang sa aniya’y “essential services” tulad ng mga nagtatrabaho sa mga ospital at financial sector.
“Kailangan siguro na magbakasyon muna ang buong Metro Manila for one week, pinakamalaking staycation nila yan. Huwag lalabas ng bahay kasi tutal ginagawa na rin naman, buuin na rin natin,” wika pa ng kongresista.