BAGUIO CITY – Isasailalim sa mass testing ang aabot sa 4,500 na mga residente sa Mankayan, Benguet sa susunod na linggo kasabay ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 doon, partikular sa mining camp ng Lepanto Consolidated Mining Company.
Ayon kay Mayor Atty. Frenzel Ayong, mahigpit ang koordinasyon nila sa mga representatives ng Bases Conversion and Development Authority para sa isasagawnag mass testing sa mine camp sa Barangay Paco at Sitio Marivic ng Barangay Sapid at mga kalapit na mga barangay ng Poblacion, Tabio, Cabiten at Colalo.
Puntirya aniya na maisagawa ang mass testing sa December 16 at 17.
Pinalawig din ang lockdown sa mining camp hanggang sa December 20 at posible pa aniyang mapahaba, depende sa magiging sitwasyon.
Binahagi ni Mayor Ayong na karamihan sa mga kaso nila ay mga empleyado o kapamilya ng mga empleyado ng Lepanto Mines at ang pagtaas ng kaso nila sa COVID-19 ay bunga ng agresibong contact tracing at expanded testing.
Kumalat aniya ang virus dahil ang mga bunkhouses ng mga mine workers ay common ang kitchen, common toilet at bathroom, magkakalapit ang mga silid at magkakasama ang mga mine workers pagsakay sa elevetor.
Sinabi pa ni Mayor Ayong na ginagamit na ang ilang paaralan sa kanilang bayan bilang isolation facilities dahil sa pagdami ng mga kinakailangang isailalim sa isolation.
Batay sa pinakahuling datos, umaabot na sa 428 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Mankayan na binubuo ng 339 na aktibong kaso, 88 na nakarekober at isang nasawi.
Maaalalang nitong nakaraang buwan ay isinagawa ang kaparehong mass testing aabot na 5,000 katao sa Baguio City at sa mga bayan ng La Trinidad, Itogon at Tuba sa Benguet dahil sa pagtaas ng kaso ng mga ito sa COVID-19.