-- Advertisements --

ROXAS CITY – Lalo pang pinaigting ng gobyerno ng Netherlands ang pagpapatupad ng mga quarantine protocols para maibsan o makontrol ang pagtaas ng bilang ng maapektuhan ng coronavirus disease 2019.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Mark Anthony Bedeo, tubong Tacas, Pontevedra, Capiz at kasalukuyang nagtatrabaho sa Sneek, Netherlands, sinabi nito na istriktong ipinatutupad sa bansa ang 1.5 meter na social distancing ng bawat tao.

Off limits rin sa mga bisita ang bawat bahay, kung saan mahigpit ang pagpapaalala ng gobyerno na iwasan muna ang paggala sa mga pampublikong lugar.

Sarado pa rin ang ilang mga establisemento kabilang ang mga factory at ang tanging bukas lamang ay mga supermarket at banko kung saan makapagpadala ang mga Pinoy ng pera sa kanilang mahal sa buhay sa Pilipinas.

Ngunit hindi mandatory ang pagsuot ng face mask sa Netherlands, kung saan ang paniwala nila na may sakit lamang ang gumagamit ng mask sa paglabas ng bahay.

Posibleng magbalik na sa regular classes ang mga mag-aaral sa Lunes at magbubukas na rin ang ilang mga establisemento.

Samantala posible ring bawiin na ang lockdown sa bansa kung makikitang nag-flatten na ang curve ng nasabing pandemya sa Netherlands.