KALIBO, Aklan – Simula alas-11:59 mamayang gabi ng Abril 29, tatanggalin na ng lokal na pamahalaan ng Malay ang ipinatupad nitong surgical lockdown sa Zone 1 ng Barangay Yapak sa isla ng Boracay kasunod ng bumababang kaso ng kanilang COVID-19 patient.
Batay sa health bulletin ng Malay Inter-Agency Task Force Against COVID-19, umabot sa 36 ang naitalang kaso ng sakit sa naturang barangay. Sa nasabing bilang, 13 ang aktibong kaso at dalawa pang bagong pasyente ang gumaling.
Ang religious gatherings ay papayagan na basta masiguro na 30% lamang ng venue capacity ang mga dadalo.
Bagama’t tinanggal na ang lockdown, suspendido pa rin ang operasyon ng mga bars, restaurants at food parks na may live shows at music gayundin ang pagsasabong at operasyon ng sabungan at non-essential gatherings.
Ang mga restobars ay limitado muna sa kanilang restaurant services.
Ang curfew hours ay mananatili sa 11:00PM to 4:00AM.
Kailangan pa rin ang pagsusuot ng face masks at face shield sa lahat ng oras habang nasa labas.
Ang kanilang quarantine classification ay ibabalik na sa modified general community quarantine (MGCQ).