Hindi umano inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang naitalang 2.4% inflation rate sa buwan ng Agosto.
Una nang inanunsiyo ng BSP na ang August inflation rate ay maglalaro mula 2.5 percent hanggang 3.3 percent.
Sinasabing ang mababang inflation rate noong nakalipas na buwan ay bunga ng lockdown sa Metro Manila at mga katabing lalawigan.
Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, patuloy ang kanilang pag-aaral sa ginagawang mga hakbang para sa ekonomiya kasabay ng ginagawang pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.
Samantala, bukod sa mababang presyo ng mga bilihin, ang mababang inflation rate ay nagpapamalas din ng takot ng mga konsyumer na gumasta, na may epekto rin sa ekonomiya.
Kung maaalala, nagpatupad si Pangulong Duterte na mas mahigpit na lockdown sa Metro Manila, Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal ng 15-araw noong nakaraang buwan.
Itinuturing na “primary economic hubs” sa bansa ang nabanggit na mga lugar.