Binanatan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teddyboy Locsin Jr. ang umano’y pekeng kopya ng ulat mula sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng insidente sa Recto Bank, West Philippine Sea.
Nilinaw ni Locsin na hindi pa isinasapubliko ng pamahalaan ang resulta ng Coast Guard inquiry dahil nakatakda pa itong ikumpara sa hiwalay na imbestigasyon ng China.
“There is a leaked alleged Coast Guard Marina report. Until I compare it with my copy fresh from DOTr’s hand 4 weeks ago that is not official. We do not share leakages,” ani Locsin.
“China has its own independent report. I decide when we compare our versions. No one else. Plus I need NSA ok.”
Kamakailan nang lumabas sa isang online news website ang umano’y final report ng PCG at Maritime Industry Authority (Marina) sa insidente.
Batay sa ulat, bigo umano ang China na tumugon sa posibilidad na mabangga ng barko nito ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda na naglalayag sa lugar.
Hindi rin daw nito tinulungan ang crew ng F/B GemVer 1 matapos ang insidente.
Hindi naman nabanggit sa sinasabing report kung intensyonal o sinadya ng Chinese vessel ang pagbangga sa bangka ng mga Pilipino.
Sa kabila nito sinabi ni Locsin na nakatakda rin nilang ikumpara ang kumakalat na report sa ulat na isinumite ng Department of Transportation sa palasyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng law expert na si Dr. Clarita Carlos na isang independent investigation ang susi para matukoy ang puno’t dulo ng insidente.