-- Advertisements --

Nanindigan si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teddyboy Locsin Jr., na susundin ng Pilipinas ang law of the sea, kasunod ng nakaraang insidente sa pagitan ng mga Pilipinong mangingisda at Chinese vessel sa West Philippine Sea.

Ayon kay Locsin, iginagalang ng gobyerno ang kontrang pahayag ng Chinese Embassy kung saan inakusahan ang hanay ng mga Pilipinong mangingisda na umatake sa kanilang barko.

Emosyonal nang humarap sa media ang may-ari at kapitan ng F/B GemVir 1 na sinasabing binangga ng higanteng barko ng China.

Iginiit din ng mga ito na hindi nila inatake ang barko, taliwas sa pahayag ng embahada.

“Para tayong alipin ng China. (Parang) wala na tayong karapatan sa sarili nating karagatan,” ani Felix dela Torre, may-ari ng bangka.

“Sinadya yun. Dahil kung hindi dapat binalikan kami, tinulungan. Eh bakit kami tinakbuhan tapos sinindihan yung ilaw? Noong nakita kaming lubog, tinakbuhan? Wala naman kaming pini-perwisyo sa kanila. Naghananap-buhay kami ng maayos,” ani Junel Insigne, kapitan ng bangka.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng maritime law expert na si Dr. Jay Batongbacal na malaki ang posibleng mawala sa China kung hindi ito tutugon sa diplomatic protest na inihain ng Pilipinas.

“Kapag hindi sila tumugon, hindi lang naman arbitration yung involved. Yung mismong compliance nila with other international rules, partikular na sa maritime.”

“Kung makita ng international community na hindi sila reliable na flag state baka hindi na lang sila makipag-trade sa China.”