Pumalag si Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin Jr. matapos ulanin ng batikos ang pahayag nito na posibleng kumalas ang Pilipinas sa United Nations (UN).
Kumabig ang kalihim sa unang statement nito at minaliit ang resulta ng UN Human Rights Council (UNHRC) voting sa resolusyon ng Iceland para sa Pilipinas.
Ayon kay Locsin, mananatiling miyembro ng UN ang estado dahil maliit at hindi naman daw mapanganib ang planong imbestigasyon ng konseho sa war on drugs campaign ng administrasyon.
Hindi rin daw manlalamig ang Pilipinas sa relasyon sa ibang bansa; taliwas sa reklamo ng mga kritiko na puputulin na rin umano ng estado ang diplomatic ties nito sa ibang bansa.
“We’re staying in UNHRC as a pedagogical duty to teach Europeans moral manners. We’re NOT severing diplomatic relations with any country. If we did, where’s the conversation? How do you insult those who insulted us if you cut them off?”
Sa panayam ng Bombo Radyo ipinaliwanag ni Commission on Human Rights (CHR) spokesperson Jacqueline De Guia ang papel na ginagamapanan ng UNHRC sa ilalim ng mandato nito.
Sa nagdaang meeting ng 47-member na UNHRC, 18 bansa ang sumang-ayon para sa imbestigasyon, 14 ang kumontra habang 15 nanatiling abstain.