Naglabas na ng mga panuntunan ang Lokal na pamahalaan ng Caloocan hinggil sa pag-iwas sa mga paputok ilang araw bago sumapit ang bagong taon.
Layon nito na maging ligtas ang publiko laban sa mga paputok sa pagsalubong ng 2024.
Sa isang pahayag, sinabi ni Caloocan Mayor Along Malapitan, napakahalaga ng mapanatiling ligtas ang sarili, pamilya at mga kapit-bahay sa pamamagitang ng tamang pag-iwas sa mga paputok.
Hinimok rin ng alkalde ang mga residente nito na gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay at pailaw kagaya ng light-emitting device, kaldero at kawali,malalakas na sound system at torotot.
Huwag rin aniyang pulutin o damputin ang mga paputok na hindi sumabog at sa halip ay buhasan na lamang ito ng tubig, walisin at ilagay sa basurahan upang hindi madisgrasya.
Tiyakin rin na nasa loob ng bahay ang mga alagang hayop para hindi maapektuhan ng ingay sa labas dulot ng selebrasyon.
Samantala, siniguro naman ng LGU Caloocan na handa sila anumang oras na tumugon sa emerhensiya kaugnay sa pagsalubong sa bagong taon.