-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagpatupad ng mas mahigpit na mga regulasyon ang lokal na pamahalaan ng Camalig sa mga turistang bumibisita sa bayan.

Ito ay kasunod ng mga ulat na may mga turistang nagkakaroon ng mga aktibidad at pumapasok sa 6km permanent danger zone at 7km extended danger zone ng Bulkang Mayon.

Ayon sa tagapagsalita ng Camalig Local government unit na si Tim Florece sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nag-convene ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office kasama ang Philippine National Police upang mapag-usapan ang naturang isyu.

Kaugnay nito ay pinadalahan na ng liham ang mga barangay officials ng Quirangay, Sua, Tumpa at Anoling upang pagtuunan ng pansin ang pagbabantay sa mga high risk areas.

Ikinababahala kasi na magkaroon ng aktibidad ang naturang bulkan lalo pa at nananatili ito sa alert level 1.

Samantala, pinayuhan naman ni Florece ang turista na makipag-ugnayan muna sa lokal na pamahalaan bago magsagawa ng anumang aktibidad malapit sa bulkan.