-- Advertisements --

Hiniling ng lokal na pamahalaan ng La Castellana sa Negros Occidental sa national government ang karagdagang pondo upang mapunan ang kanilang mga mapagkukunan para sa mga Kanlaon evacuees.

Ayon kay Mayor Rhummyla Nicor-Mangilimutan, kinakailangan nila ng P47 million para sa 4,244 indibidwal o katumbas ng 1,362 pamilya.

Aniya, P50 ang kanilang inilaan kada pagkain ng bawat indibidwal para sa tanghalian at hapunan.

Nagkakahalaga ito ng P300,000 para sa dalawang kainan lamang kada araw.

Nagtayo na rin ng community kitchen ang pamahalaang panlalawigan kung saan ay sinasagot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang halaga ng food packs para sa almusal.

Sa kabila ng tulong mula sa probinsya, aminado ang alkalde na hindi sapat ang kanilang budget.

Sinabi ni Mangilimutan na gumastos sila noong nakaraang taon ng P32 milyon para sa pagkain at fuel sa tulong ng Office of the Civil Defense (OCD) at DSWD.
Aniya, nagamit na ng kanilang LGU ang limang porsiyentong calamity fund na P17 milyon.

Idinagdag ni Mangilimutan na walang natitirang balanse ngayong taon para sa quick response fund dahil lahat ito ay ginamit na para sa tugon ng Kanlaon evacuees.