Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang kaukulang tulong para sa mga residente nitong naapektuhan ng bagyong Carina.
Ayon sa LGU, sa ngayon aabot pa rin sa 690 na pamilya o katumbas ng 2,675 na indibidwal ang namamalagi sa mga itinalagang evacuation centers sa lungsod.
Nangunguna ang District 1 at 2 sa pinakamaraming bilang ng mga residneetng apektdo ng nasabing sama ng panahon.
Dahil sa pananatili ng mga evacuee sa mga paaralan na nagsisilbing evacuation area, ipinagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa lungsod sa August 5.
Sinabi ng LGU na kabilang sa kanilang tuloy-tuloy na ipinamamahagi ay ang relief goods, food packs, at hygiene kits .
Walang humpay rin ang pagsasagawa ng clean-up operations ng Waste Management Office sa lungsod.
Layon nito na mahakot ang mga basurang naipon matapos ang bahang dala ng bagyong Carina.
Pinatitiyak rin ng LGU na gumagana ang 24 pumping stations sa lungsod para tuluyan nang humupa ang mga barangay na apektado pa rin ng baha.