CAUAYAN CITY – Patay ang isang lola matapos ma-trap sa kaniyang nasunog na ancestral house sa Purok 6, Brgy. Calaocan, Santiago City.
Ayon sa Bureau of Fire Protection-Santiago hinihinalang lampara ang pinagmulan ng malaking apoy na tumupok sa nasabing bahay.
Sa naging pakikipag ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 2 William P. Peralta ng BFP Santiago, sinabi niya na pasado 8:00pm nang makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa nasabing sunog.
Agad tumugon ang mga kasapi ng BFP at 9:15pm na nang maapula ang apoy.
Inaalam pa ng mga kinauukulan ang kabuuang halaga ng pinsala na iniwan ng insidente na umabot lamang sa first alarm.
Kinilala ang biktima na si Nelda Tubay 67 anyos, walang asawa, dating Professor/ Consultant sa isang Unibersidad at residente ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dante Rivera, isa sa mga saksi at kapitbahay ng biktima, sinubukan pa nilang tumulong ng iba pa nilang mga kapitbahay upang sagipin ang lola na na-trap sa loob ng bahay ngunit nahirapan sila dahil sa laki ng apoy.
Ayon naman sa BFP Santiago, halos apat na taon nang hindi nagpapakabit ng kuryente ang lola dahil sa mag-isa lang naman umano ito sa kanyang bahay kaya lumalabas na maaring natabig nito ang Lampara na nagsanhi ng sunog.
Ayon kay Mariel Tubay, pamangkin ng lola matagal na umano nila itong kinukumbinsi na lumipat sa kanilang poder ngunit hindi siya pumapayag dahil hindi niya maiwan ang bahay na kaniyang kinalakihan.