-- Advertisements --
north cotabato tornado 1

KORONADAL CITY – Ginagamot na ngayon sa ospital ang isang lola matapos na mabagsakan ng nawasak nilang bahay habang nasa mahigit 50 bahay ang sinira sa pananalasa ng buhawi sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.

Ito ang iniulat ni Engr. Arnulfo Villaruz, chief for operations ng PDRRMO North Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang sugatan na si Kayanga Dalinding Salimpang, 65, residente ng nabanggit na lugar.

Ayon kay Villaruz, apektado ng nasabing buhawi ang 3 Purok at Sitio Darussalan sa Barangay Pisan sa nabanggit na bayan kung saan 17 sa mga bahay ang totally damage habang ang ilan sa mga ito ay partially damaged.

Habang ang nasa mahigit 50 pamilya ay lumikas dahil sa pagkasira ng kanilang bahay at kasalukuyang nanunuluyan sa barangay gym.

Agad namang binigyan ng food packs at iba pang pangangailangan ang mga lumikas na pamilya.

Tutulungan din ng LGU-North Cotabato ang mga residente sa muling pagsasaayos at pagpapatayo ng kanilang mga bahay.