CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang magsasaka dahil sa pagpapaputok ng baril sa Mallig, Isabela.
Ang inaresto ay si Erasmo Hemino, 67 anyos at residente ng Manano Mallig, Isabela.
Nauna rito nakatanggap ng reklamo mula sa concerned citizen ang mga kasapi ng Mallig Police Station na nakarinig sila ng dalawang magkasunod na putok ng baril sa isang bahay kubo sa nasabing lugar.
Kaagad naman itong tinugunan ng mga pulis at naaktuhan pa ang suspek na akmang itatago at inilalagay sa isang bag na nasa ibabaw na mesa ang baril ngunit nakita ng mga motoridad.
Nasamsam ng mga otoridad ang isang Cal. 38 revolver na may apat na bala at dalawang empty shell.
Dinala sa himpilan ng pulisya si Hemino at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).