(Update) BACOLOD CITY – Pormal nang sinampahan ng kaso ang lolo na pumatay sa kanyang walong taong gulang na apo sa Isabela, Negros Occidental.
Ayon sa Isabela Police Station, kasong murder in relation to Republic Act 7610 o Child Abuse, Explotation and Discrimination Act, ang isinampa laban kay Pablo Talanas, 56-anyos na residente ng Sitio Aguntilang, Barangay Riverside.
Ang kaso ay isinampa ng mga pulis sa Negros Occidental Provincial Prosecutor’s Office.
Una rito, nabatid na umiinom ang suspek na isang ambulant fish vendor nitong Mayo 26 nang pumunta sa kanilang bahay ang batang apo.
Humingi umano ang biktima ng pulutan ng kanyang lolo ngunit nagalit ang suspek kaya’t kanya itong sinakal, inihampas sa semento ang ulo hanggang namatay.
Hindi pa nakuntento ay pinasukan pa nito ng stick na kawayan ang puwetan ng biktima.
Ang bangkay ng apo ay iniwan ng suspek sa tabi ng daan, ilang metro ang layo mula sa bahay nito at ito ay natagpuan ng kanilang kapitbahay.