-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Namatay habang ginagamot sa isang pribadong ospital ang 78-anyos na rider matapos mabanggaan ng kapwa rider bandang alas-7:30 ng umaga sa national highway na sakop ng Barangay Laguinbanua West, Numancia, Aklan.

Kinilala ang namatay na si Ely Villariña, isang retired teacher at residente ng naturang lugar.

Naisugod pa ito sa pagamutan, ngunit dahil sa tinamong matinding sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan dahilan na binawian rin ng buhay kalaunan.

Base sa imbestigasyon ng Numancia Municipal Police Station, nangyari ang insidente habang patawid sa highway ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo mula sa kanilang bahay at papunta sana sa kanyang palayan na kadalasan nitong ginagawa tuwing umaga.

Sinasabing biglang nag-overtake ang kapwa rider na nakilala kay Eman Tenedor, 27, residente ng Barangay Mantiguib, Makato, Aklan sa sinusundang tricycle dahilan na aksidenteng nabangga ang biktima.

Sa lakas ng impact, kapwa tumilapon ang mga rider sa kani-kanilang motorsiklo, subalit napuruhan si Villariña na walang suot na helmet na agad na dinala sa ospital ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO-Numancia.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide si Tenedor na patuloy na nakakulong sa lock-up cell ng Numancia PNP.