KALIBO, Aklan—Patay na nang makarating sa ospital ang isang lalake matapos mabundol ng truck ang sinasakyan nitong bisekleta sa national highway ng Barangay Tabayon, Banga, Aklan.’
Kinilala ang biktima na si Conrado Ausan Tapic, 60, at residente ng Sitio Tabiling, Barangay Mataphao, New Washington, Aklan habang ang driver-suspect ay kinilalang si Rodolfo Molina Pacenio Jr., 39, tubong Barangay Sta.Cruz, Antipolo City.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Banga Police Station, sakay ng kaniyang bisekleta ang lolo papunta sana sa bayan upang magbayad ng bill sa kuryente kung saan, palabas na umano ito ng national highway ng mabundol ng naturang sasakyan.
Nabatid na mula sa Iloilo City ang truck kung saan, nakapreno pa umano ang driver ngunit nahagip pa rin ang biktima kaya tumilapon at nagkaroon ng malubhang sugat sa ulo na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.
Samantala, boluntaryong sumuko ang suspek sa Banga Police Station kung saan siya sa ngayong nakakulong para sa kaukulang disposisyon.