Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi ipinasok sa kulungan ang 80-anyos na lolo na inakusahan ng pagnanakaw ng mangga sa Asingan, Pangasinan.
Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, hindi ikinulong ang matanda ng mga Pulis, matapos na mag trending sa social media ang pagaresto sa lolo na si Narding Floro.
Sinabi ni PNP Chief, bagamat inaresto ng mga tauhan ng Asingan PNP ang lolo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte ay hindi ito literal na ipinasok sa kulungan sa halip nasa kanilang custody lamang habang naghihintay na makapag piyansa.
Nakita raw kasi ng mga pulis ang hirap na sitwasyon ng matanda.
Sa katunayan ayon kay Gen. Carlos babayaran niya sana ang piyansa ng lolo pero nauna nang nag contribution ang mga pulis sa Asingan PNP para maipambayad sa piyansa ni Lolo Narding.
Sa huli giniit ni PNP Chief, ginawa lamang ng mga pulis ang utos ng korte na arestuhin ang lolo pero nanatili sa kanilang hanay ang compassion sa mga taong kailangan nito.
Matatandang inireklamo si Lolo Narding dahil sa umanoy pamimitas nito sa puno ng mangga na umabot ng sampung kilo na siya naman daw ang nagtanim at alam niyang sakop nang kanyang bakuran.